top of page

Christian

Uplift Cares Online Alternative Learning System Scholar 2020

Noong 2004, tumigil po akong mag-aral dahil sa hirap ng buhay. Sa edad na 12 years old, nagsimula akong magtrabaho sa koprahan ng niyog. Sa ₱3.00 bawat isang puno ay nakakalikom ako ng ₱100. Ito ay ibinibigay ko sa aking nanay para maiambag sa pagkain at mailalaman sa aming mga tiyan. Sampu kaming magkakapatid kaya damang dama namin ang hirap na pinagdadaanan ng aming magulang. Sapagkat kami ay nabubuhay lamang sa pamamagitan ng pagpapadyak ng pedicab ng aking ama.

Taong 2009 ay lumuwas ako ng Maynila at nagtrabaho bilang isang construction worker. Nagpalipat-lipat rin ako ng trabaho tulad ng carwash boy, baker helper, at kinalaunan ay naging isang security guard. Hindi po naging madali dahil may mga dokumento na dapat makumpleto upang makapagtrabaho. Ngunit dahil hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral, napilitan akong magpagawa ng pekeng diploma sa Recto upang mabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho.

Sa aking karanasan, talagang mahirap makahanap ng magandang trabaho kung ika’y hindi nakapagtapos ng high school. Kaya ako’y nagnais na magbalik-aral. Nag-enrol ako sa Alternative Learning System (ALS) sa isang public school ngunit hindi ako nabalikan nito. Hindi pa rin ako nawalan ng pag-asa kaya naghanap ako ng mapapasukan sa tulong ng Facebook. Dito unang lumabas ang Uplift Cares Online ALS. Ako’y lubos na naantig sa mga videos nila kung saan pinakita nila ang mga nakakainspire na kwento ng mga tulad kong out-of-school. Noong ako’y nagtake ng unang assessment exam sa Uplift Cares, nakadama ako ng lungkot dahil akala ko hindi ako nakapasa. Ngunit, nabigyan muli ako ng pag-asa dahil umabot ang aking grado!

Sampu kaming magkakapatid kaya damang dama namin ang hirap na pinagdadaanan ng aming magulang.

Christian.jpg

Sa aking karanasan, talagang mahirap makahanap ng magandang trabaho kung ika’y hindi nakapagtapos ng high school.

Sa pagkakataong ito, patuloy kong inilalapit sa Diyos ang aking sarili na ako’y magtiwala sa kanya ng buong puso kahit sobrang hirap ng aking naging buhay. Ngayong nakabalik na ako sa pag-aaral, ayaw ko pong mag-absent. Magsisikap ako upang matupad ko ang pangarap kong maging guro balang araw, upang ako’y makatulong sa mga tulad kong minsa’y nawalan ng pag-asa.

_____

bottom of page